Imperyalismong Hapones sa Silangang Asya at Pagpapabilis ng Pag-sibol ng Nasyonalismo sa Tsina at Korea, 1910-1945


Abstrakt

         Bagamat nagsimula ang paglawak ng kapangyarihan ng Imperyalistang Hapon sa Silangang Asya sa pagtatapos ng ika-19 na dantaon, nagkaroon ito ng epekto sa kamalayang makabayan ng mga mamamayan sa Tsina at Korea.  Nauna na nang kinilala ang pag-unlad ng Hapon magmula noong Restorasyong Meiji (1868) na naging pag-asa sana ng mga Asyano bilang panlaban at pananggalang sa imperyalismong kanluranin.  Subalit, tumuloy-tuloy ito bilang nasyonalismong mithiin para sa mga Hapones – isang uri ng nasyonalismo na nagbunsod ng kanilang imperyalismo at militarismo sa Silangan at Timog-Silangang Asya.  Samantala, bagamat nagsisimula nang mabuo ang kamalayang makabayan para sa mga Instik at mga Koreano, mas lalong napabilis ito sa pagpasok ng kolonyalismo at imperyalismong Hapones.  Mas lalong umalab ang damdaming nasyonalismo sa Korea sa ilalim ng marahas na kolonyalismong Hapones mula 1910 hanggang 1945.  Samantalang sa Tsina, unti-unting pumasok ang mga Hapones hanggang sa pagsisimula ng opisyal na digmaan noong 1937 – mahalagang dahilan sa mas tuminding pangangailangan ng mga Instik na magkaroon ng nasyonalistang ideolohiya.

          Tinatalakay sa papel na ito ang pag-subong ng nasyonalismo sa Hapon, Tsina, at Korea sa pagbubukas ng ika-20 dantaon.  Bagamat nauwi sa imperyalismo at militarismo ang nasyonalismong Hapones, naging sanhi ito ng pagpapabilis at pagpapalakas na pag-alab ng damdaming makabayan sa Tsina at Korea hanggang sa pagtatapos ng Digmaan sa Pasipiko.  Nais din talakayin sa pananaliksik na ito ang mga pagbabago sa Silangang Asya sa pagbubukas ng ika-20 siglo sa ilalim ng imperyalismong Hapones: pamamahala, kabuhayan, teknolohiya, paniniwala, pagpapahalaga, at ilang mga aspekto ng sining at kultura.  Ninanais bigyang pansin sa talakayan ang mga nanatili at nagbago sa Silangang Asya sa ilalim ng Imperyalismo at Militarismong Hapones, na may pokus sa pagpapabilis ng mas malawakang kamalayan sa nasyonalismo sa Tsina at Korea.  Tutukan din ang kondisyon ng pamumuhay ng mga mamamayan sa ilang mga piling bayan sa Tsina at Korea na napasailalim ng mga Hapones.

Arnel E. Joven, Ph.D. (侯敏喬)

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.